Beginning
1 Si Pablo na alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos,
2 na kanyang ipinangako noong una sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,
3 tungkol sa kanyang Anak na mula sa binhi ni David ayon sa laman
4 at ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay mula sa mga patay, na ito'y si Jesu-Cristo na Panginoon natin.
5 Sa pamamagitan niya'y tumanggap kami ng biyaya at pagka-apostol, para sa pagsunod sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kanyang pangalan;
6 sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo:
7 Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8 Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig.
9 Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin,
10 at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo.
11 Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo.
12 Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin.
13 Nais(A) kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil.
14 Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang.
15 Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.
Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo
16 Sapagkat(B) hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego.
17 Sapagkat(C) dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a]
Ang Pagkakasala ng Sangkatauhan
18 Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan.
19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila.
20 Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan;
21 sapagkat(D) kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim.
22 Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal,
23 at(E) ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang.
24 Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili;
25 sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen.
26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Ipinagpalit ng kanilang mga babae ang likas na pakikipagtalik sa di-likas.
27 At gayundin naman ang mga lalaki, nang iwan ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, ay nag-alab sa kanilang pagnanasa sa isa't isa. Gumagawa ng kahalayan ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kaparusahan ng kanilang pagkakamali.
28 At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat.
29 Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at punô ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis,
30 mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos,[b] mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang,
31 mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa.
32 Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon.
Ayon sa Katotohanan ang Hatol ng Diyos
2 Kaya't(F) wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay.
2 Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.
3 At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos?
4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
5 Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.
6 Kanyang(G) gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa:
7 sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan;
8 samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit.
9 Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego;
10 subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego:
11 sapagkat(H) ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.
12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.
13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.
14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.
15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;
16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos,
18 at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan,
19 at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,
20 tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan;
21 ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?
22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?
23 Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan?
24 “Sapagkat(I) ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.
25 Sapagkat tunay na may kabuluhan ang pagtutuli kung tinutupad mo ang kautusan; ngunit kung ikaw ay sumusuway sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di-pagtutuli.
26 Kaya't kung ang di-pagtutuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng kautusan, hindi ba ibibilang na pagtutuli ang kanilang di pagtutuli?
27 Kaya't ang mga di-tuli sa laman, subalit tumutupad ng kautusan, ay hahatol sa iyo na may kautusang nakasulat at may pagtutuli ngunit sumusuway sa kautusan.
28 Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman.
29 Kundi(J) ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos.
3 Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli?
2 Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos.
3 Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos?
4 Huwag(K) nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat,
“Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita,
at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan.”
5 Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di-makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.)
6 Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan?
7 Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan?
8 At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang-puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?” Ang kahatulan sa kanila ay nararapat.
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(L) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(M) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(N) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(O) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(P) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(Q) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[c] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao
21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;
22 ang(R) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,
23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;
24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;
25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;
26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[d]
27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;
30 yamang(S) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.
31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001