Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Gawa 4-6

Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin

Habang si Pedro at si Juan[a] ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo,

na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay.

Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na.

Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo.

Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba;

at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari.

Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?”

At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, “Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda,

kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito,

10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.

11 Itong si Jesus,[b]

‘ang(A) bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong panulukan.’

12 Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”

13 Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, at nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwan lamang, ay namangha sila at kanilang nakilala na sila'y mga kasama ni Jesus.

14 At yamang nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila ay wala silang masabing pagtutol.

15 Kaya't kanilang inutusan sila na umalis sa kapulungan, samantalang pinag-uusapan pa nila ang pangyayari.

16 Kanilang sinabi, “Anong gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat hayag sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang isang kapansin-pansing tanda na ginawa sa pamamagitan nila; at hindi natin ito maikakaila.

17 Ngunit upang huwag na itong lalo pang kumalat sa bayan, atin silang bigyan ng babala na huwag na silang magsalita pa sa kaninuman sa pangalang ito.”

18 Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus.

19 Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol,

20 sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”

21 Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari.

22 Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.

Nanalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatanda.

24 Nang(B) ito'y kanilang marinig, sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon,

25 ikaw(C) na nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod,

‘Bakit nagalit ang mga Hentil,
    at nagbabalak ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari sa lupa ay naghanda upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon,
    laban sa Panginoon, at laban sa kanyang Cristo.’

27 Sapagkat(D) sa katotohanan, sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na Lingkod[c] na si Jesus, na iyong pinahiran,

28 upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari.

29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga banta at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na masabi ang iyong salita ng may buong katapangan,

30 habang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling at ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyos.

Nagtutulungan ang mga Mananampalataya

32 Ang(E) buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma'y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari-arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat.

33 At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay ng Panginoong Jesus at sumakanilang lahat ang dakilang biyaya.

34 Walang sinumang naghihirap sa kanila sapagkat ipinagbili ng lahat ng may-ari ang kanilang mga lupa at mga bahay at dinala ang pinagbilhan ng mga ito.

35 At inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman.

36 Si Jose, isang Levitang tubo sa Cyprus, na tinaguriang Bernabe ng mga apostol (na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas ng loob”),

37 ay nagbili ng isang bukid na kanyang pag-aari, at dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Si Ananias at si Safira

Ngunit may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang nagbili ng isang ari-arian, na may pagsang-ayon ng kanyang asawang si Safira.

Nalalaman ng kanyang asawa na itinago niya ang ilang bahagi ng pinagbilhan at dinala ang isang bahagi lamang at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.

Sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit napadaig ka kay Satanas[d] at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo, at itago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa?

Nang ito'y hindi pa nabibili, hindi ba iyon ay nanatiling iyo? At nang maipagbili na, hindi ba nasa iyo ring kapangyarihan? Bakit inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos.”

Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay bumagsak at namatay. At sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nakarinig nito.

Tumindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.

Pagkatapos ng halos tatlong oras na pagitan, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari.

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayong halaga ang lupa.” Sinabi niya, “Oo, sa gayong halaga.”

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit kayo'y nagkasundo upang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nasa pintuan ang mga paa ng mga naglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.”

10 Agad siyang bumagsak sa kanyang paanan at namatay. Pumasok ang mga kabinataan at natagpuan nilang patay siya. Siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.

11 Sinidlan ng malaking takot ang buong iglesya, at ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

Gumawa ng mga Himala ang mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon.

13 Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao.

14 Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon,

15 kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.

16 Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling.

Inusig ang mga Apostol

17 Pagkatapos ay kumilos ang pinakapunong pari at ang lahat ng mga kasama niya (na sekta ng mga Saduceo) at sila'y napuno ng inggit.

18 Kanilang dinakip ang mga apostol at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.

19 Ngunit kinagabihan ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, sila'y inilabas, at sinabi,

20 “Humayo kayo, tumayo kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang lahat ng mga salita tungkol sa buhay na ito.”

21 Nang marinig nila ito, pumasok sila sa templo nang magmamadaling-araw, at nagturo. Nang dumating ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin at ang buong kapulungan ng matatanda ng mga anak ng Israel, at nagpadala ng utos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon.

22 Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,

23 na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”

24 Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.

25 At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”

26 Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.

27 Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,

28 “Hindi(F) ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”

29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.

30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.

31 Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,[e] at ng kapatawaran ng mga kasalanan.

32 Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”

33 Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.

34 Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.

35 Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.

36 Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.

37 Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.

38 Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.

39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”

40 Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.

41 Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.

42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista[f] laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.

Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag.

Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito,

samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita.”

Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia.

Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila.

Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya.

Dinakip si Esteban

Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.

Ngunit tumayo ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga-Cilicia, at taga-Asia, at nakipagtalo kay Esteban.

10 Ngunit hindi sila makasalungat sa karunungan at sa Espiritu na sa pamamagitan nito'y nagsasalita siya.

11 Nang magkagayo'y lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki, na nagsasabi, “Narinig naming nagsasalita siya ng mga salitang kalapastanganan laban kay Moises at sa Diyos.”

12 Kanilang sinulsulan ang mga taong-bayan, maging ang matatanda, at ang mga eskriba. Siya'y kanilang hinarap, hinuli at dinala sa Sanhedrin.

13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Ang taong ito'y hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga salitang laban sa Dakong Banal na ito at sa Kautusan.

14 Sapagkat narinig naming kanyang sinabi na wawasakin nitong si Jesus na taga-Nazaret ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.”

15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang kanyang mukha ay katulad ng mukha ng isang anghel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001