Book of Common Prayer
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
Awit para sa Pagdiriwang
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.
81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
2 Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
ang masayang lira at ang alpa.
3 Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
4 Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
isang batas ng Diyos ni Jacob.
5 Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
6 “Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
7 Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
8 O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
9 Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.
11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”
Ang Awit ni Asaf.
82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
2 “Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
4 Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”
5 Wala silang kaalaman o pang-unawa,
sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
6 Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
7 Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”
8 Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!
18 Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
ang puso ko ay nanlulupaypay.
19 Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
at ng kanilang ibang mga diyos?”
20 “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
at tayo'y hindi ligtas.”
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.
22 Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?
9 O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
2 O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang
para sa mga manlalakbay,
upang aking maiwan ang aking bayan
at sila'y aking layuan!
Sapagkat silang lahat ay mapakiapid,
isang pangkat ng mga taksil!
3 Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana;
ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain;
sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan,
at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.
4 Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa,
at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid;
sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw,
at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri.
5 Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa,
at hindi nagsasalita ng katotohanan;
kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan;
sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan.
6 Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay
ayaw nila akong kilalanin, sabi ng Panginoon.
Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap
5 Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[a] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
2 Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[b] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.
3 At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,
4 at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.
5 At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.
6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.
7 Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.
8 Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
9 Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.
10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.
11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.
Si Jesus na Ilaw ng Sanlibutan
12 Muling(A) nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”
13 Sinabi(B) sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo.”
14 Sumagot si Jesus, “Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta.
15 Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman.
16 At kung ako'y humatol man, ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.
17 Maging(C) sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.
18 Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”
19 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”
20 Sinabi niya ang mga salitang ito sa kabang-yaman habang nagtuturo siya sa templo. Subalit walang taong humuli sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001