Book of Common Prayer
ZAIN.
49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.
CHETH.
57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
TETH.
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2 maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5 Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6 mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7 Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8 Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9 na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
13 Ito ang daan noong mga hangal,
at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)
14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
at ang kanilang anyo ay maaagnas;
ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)
16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.
53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
wala isa mang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang matalino,
na naghahanap sa Diyos.
3 Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.
4 Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Diyos?
5 Doon sila'y nasa matinding takot,
na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.
6 O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.
13 “Bukod dito'y nagsalita sa akin ang Panginoon, na sinasabi, ‘Aking nakita ang bayang ito, at aking nakita na ito'y isang bayang matigas ang ulo.
14 Hayaan mong lipulin ko sila, at aking burahin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit; at gagawin kitang isang bansang higit na makapangyarihan at malaki kaysa kanila.’
15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.
16 Tumingin ako, at nakita kong kayo'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos. Kayo'y gumawa para sa inyo ng isang guyang inanyuan. Kayo'y madaling lumihis sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.
17 Kaya't aking hinawakan ang dalawang tapyas at inihagis ng aking dalawang kamay, at winasak ang mga ito sa harapan ng inyong paningin.
18 At ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon, gaya nang una, sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa lahat ng inyong kasalanan na inyong ginawa sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong ginalit.
19 Sapagkat(A) natatakot ako dahil sa galit at maalab na poot na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Ngunit pinakinggan din ako noon ng Panginoon.
20 Ang Panginoon ay galit na galit kay Aaron na siya sana'y papatayin; at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahong iyon.
21 At kinuha ko ang makasalanang bagay na inyong ginawa, ang guya, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan at dinurog na mabuti, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyon sa batis na umaagos mula sa bundok.
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buháy na Diyos.
13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan.
15 Gaya(A) ng sinasabi,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik.”
16 Sinu-sino(B) ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises?
17 Ngunit kanino siya galit nang apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang?
18 At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway?
19 Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Alam ni Jesus ang Likas ng Tao
23 Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda.
24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao,
25 at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang lalaking kabilang sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio.
2 Siya ay pumunta kay Jesus[a] nang gabi na, at sinabi sa kanya, “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na mula sa Diyos; sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, malibang kasama niya ang Diyos.”
3 Sumagot sa kanya si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli[b] ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’”
4 Sinabi sa kanya ni Nicodemo, “Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?”
5 Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.
6 Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu.
7 Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo'y ipanganak na muli.’
8 Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu.
9 Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paanong mangyayari ang mga bagay na ito?”
10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ikaw ay isang guro sa Israel at hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito?
11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman namin, at nagpapatotoo sa nakita namin, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.
12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit?
13 Wala pang umakyat sa langit, maliban sa kanya na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.[c]
14 Kung(A) paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao;
15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001