Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 24

Awit ni David.

24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
    ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
    at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.

Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
    na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
    at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
    at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
    na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
    ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon ng mga hukbo,
    siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)

Mga Awit 29

Awit ni David.

29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
    mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
    sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
    ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
    ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
    ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
    binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
    at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
    niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.

Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
    at hinuhubaran ang mga gubat;
    at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”

10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
    ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
    Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!

Mga Awit 8

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!

Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
    mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
    upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.

Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
    ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
    at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?

Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
    at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
    sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
lahat ng tupa at baka,
    gayundin ang mga hayop sa parang,
ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
    anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!

Mga Awit 84

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Jeremias 1:1-10

Ang Pagkatawag kay Jeremias

Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin,

na(A) sa kanya dumating ang salita ng Panginoon nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari.

Dumating(B) din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.

Ngayon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi,

“Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita,
at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga;
hinirang kitang propeta sa mga bansa.”

Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah, Panginoong Diyos! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa.”

Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon,

“Huwag mong sabihin, ‘Ako'y isang kabataan;’
sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka,
at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.
Huwag kang matakot sa kanila,
sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng Panginoon.”

Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon,

“Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
10 Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian,
upang bumunot at magpabagsak,
upang pumuksa at magwasak,
upang magtayo at magtanim.”

1 Corinto 3:11-23

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi(A) ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17 Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.

19 Ang(B) karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”

20 At(C) muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21 Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,

23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Marcos 3:31-4:9

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(A)

31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.

32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”

33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”

34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!

35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Talinghaga ng Manghahasik(B)

Siya'y(C) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001