Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 45

Maskil para sa Maharlikang Kasalan

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.

45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
    ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
    ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.

Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
    ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
    kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
    sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!

At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
    para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
    ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
Ang iyong mga palaso ay matalas
    sa puso ng mga kaaway ng hari,
    ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.

Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
    Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
    iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
    ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
    Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
    Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
    sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.

10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
    kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11     at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12     At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
    at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.

13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14     Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
    ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
    habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
    gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
    kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.

Mga Awit 47-48

Kataas-taasang Pinuno

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
    Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
    isang dakilang hari sa buong lupa.
Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
    at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
    ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)

Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
    ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
    Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!

Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
    ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
    bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
    siya'y napakadakila.

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
    sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
    ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
    ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.

Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
    sila'y dumating na magkakasama.
Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
    sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
Sila'y nanginig,
    nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
Sa pamamagitan ng hanging silangan
    ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
    sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
    na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)

Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
    sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
    ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11     Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
    dahil sa iyong mga paghatol!

12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
    inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
    inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14     na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
    Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.

Deuteronomio 9:4-12

“Huwag mong sasabihin sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, ‘Dahil sa aking pagiging matuwid ay dinala ako ng Panginoon upang angkinin ang lupaing ito.’ Sa halip ay dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon sa harapan mo.

Hindi dahil sa iyong pagiging matuwid o dahil sa katapatan ng iyong puso ay iyong pinapasok upang angkinin ang kanilang lupain, kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at upang kanyang papagtibayin ang salita na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.

“Alamin mo na hindi ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang mabuting lupaing ito upang angkinin ng dahil sa iyong pagiging matuwid; sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.

Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong ginalit mo ang Panginoon mong Diyos sa ilang; mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Ehipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapaghimagsik kayo laban sa Panginoon.

Gayundin sa Horeb na inyong ginalit ang Panginoon, at ang Panginoon ay nagalit sa inyo at handa na sana siyang lipulin kayo.

Nang(A) ako'y umakyat sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo, nanatili ako sa bundok ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig.

10 Ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos. Nasa mga iyon ang lahat ng mga sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon.

11 Sa katapusan ng apatnapung araw at apatnapung gabi, ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan.

12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, bumaba ka agad mula riyan; sapagkat ang iyong bayan na inilabas mo sa Ehipto ay nagpakasama. Sila'y mabilis na lumihis sa daang iniutos ko sa kanila; sila'y gumawa para sa kanila ng isang larawang inanyuan.’

Mga Hebreo 3:1-11

Higit na Dakila kay Moises

Kaya, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo na si Jesus, ang Apostol at Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag,

ay(A) tapat sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos.[a]

Sapagkat siya ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa bahay.

Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.

At si Moises ay naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos[b] gaya ng isang lingkod, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin.

Subalit si Cristo ay tapat sa bahay ng Diyos,[c] bilang isang anak, at tayo ang bahay na iyon kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang ating pagtitiwala at pagmamalaki sa ating pag-asa.

Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos

Kaya't(B) gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo,

“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso gaya ng sa paghihimagsik,
    gaya ng sa araw ng pagsubok sa ilang,
na doon ay sinubok ako ng inyong mga ninuno,
    bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng

10 apatnapung taon.

Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Sila'y laging naliligaw sa kanilang puso,
    at hindi nila nalaman ang aking mga daan.’
11 Gaya ng sa aking galit ay aking isinumpa,
‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’”

Juan 2:13-22

Nilinis ni Jesus ang Templo(A)

13 Malapit(B) na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo.

15 Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa.

16 Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.”

17 Naalala(C) ng kanyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito?”

19 Sinagot(D) sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?”

21 Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan.

22 Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001