Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 82

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(A) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Mga Awit 87

Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.

87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
    minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
    higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
    O lunsod ng Diyos. (Selah)

Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
    narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
At tungkol sa Zion ay sasabihin,
    “Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
    sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)

Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
    “Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”

Isaias 52:7-12

Napakaganda(A) sa mga bundok
    ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan,
na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan,
    na naghahayag ng kaligtasan,
    na nagsasabi sa Zion, “Ang iyong Diyos ay naghahari!”
Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig,
    na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan;
sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata
    ang pagbalik ng Panginoon sa Zion.
Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama,
    kayong mga sirang dako ng Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
    kanyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubaran ng Panginoon ang kanyang banal na bisig
    sa mga mata ng lahat na bansa;
at makikita ng lahat ng dulo ng lupa
    ang pagliligtas ng ating Diyos.

11 Kayo'y(B) humayo, kayo'y humayo! Kayo'y umalis doon,
    huwag kayong humipo ng maruming bagay.
Kayo'y lumabas sa gitna niya, kayo'y magpakalinis,
    kayong nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali,
    o lalabas man kayo dahil sa pagtakas,
sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo;
    at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod.

Mga Hebreo 2:5-10

Naging Dakila sa Pagiging Hamak

Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,

Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,

kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

Mga Awit 110

Awit ni David.

110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
    “Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”

Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
    Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
    sa araw ng iyong kapangyarihan
    sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
    ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
    “Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
    dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
    kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
    kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.

Mga Awit 132

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Juan 1:9-14

Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan.

10 Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.

11 Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.

12 Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos,

13 na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.

14 At naging tao[a] ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001