Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 132

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Isaias 63:7-16

Ang Kabutihan ng Panginoon sa Israel

Aking aalalahanin ang kagandahang-loob ng Panginoon,
    at ang mga kapurihan ng Panginoon,
ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin,
    at ang dakilang kabutihan na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel
na kanyang ipinagkaloob sa kanila ayon sa kanyang kaawaan,
    at ayon sa kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob.
Sapagkat kanyang sinabi, “Tunay na sila'y aking bayan,
    mga anak na hindi gagawang may kasinungalingan;
at siya'y naging kanilang Tagapagligtas.
    Sa lahat nilang pagdadalamhati ay nadalamhati siya,
    at iniligtas sila ng anghel na nasa kanyang harapan;
sa kanyang pag-ibig at sa kanyang pagkaawa ay tinubos niya sila;
    at kanyang itinaas at kinalong sila sa lahat ng mga araw noong una.

10 Ngunit sila'y naghimagsik,
    at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu;
kaya't siya'y naging kaaway nila,
    at siya mismo ay lumaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y naalala ng kanyang bayan ang mga araw nang una,
    tungkol kay Moises.
Nasaan siya na nag-ahon mula sa dagat,
    na kasama ng mga pastol ng kanyang kawan?
Nasaan siya na naglagay sa gitna nila
    ng kanyang Banal na Espiritu?
12 Sinong(A) naglagay ng kanyang maluwalhating bisig
    na humayong kasama ng kanang kamay ni Moises,
na humawi ng tubig sa harapan nila,
    upang gumawa para sa kanyang sarili ng walang hanggang pangalan?
13     Sinong pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman?
Gaya ng isang kabayo sa ilang
    ay hindi sila natisod.
14 Gaya ng kawan na bumababa sa libis,
    ay pinapagpapahinga sila ng Espiritu ng Panginoon.
Gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan,
    upang gumawa para sa iyong sarili ng isang maluwalhating pangalan.

15 Tumingin ka mula sa langit, at iyong masdan,
    mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan.
Nasaan ang iyong sigasig at ang iyong kapangyarihan?
    Ang hangad ng iyong puso at ang iyong habag
    ay iniurong mo sa akin.
16 Sapagkat ikaw ay aming Ama,
    bagaman hindi kami nakikilala ni Abraham,
    at hindi kami kinikilala ng Israel.
Ikaw, O Panginoon, ay aming Ama,
    aming Manunubos noong una pa ay ang iyong pangalan.

Mateo 1:18-25

Isinilang ang Cristo(A)

18 Ganito(B) ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose, bago sila magsama, si Maria ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

19 Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y isang taong matuwid at ayaw ilagay sa kahihiyan si Maria, ay nagpasiya na lamang na kanyang hiwalayan ito nang lihim.

20 Ngunit samantalang pinag-iisipan niya ito, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip na nagsasabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo.

21 Siya'y(C) manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:

23 “Narito,(D) magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki,
    at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel”

(na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos).

24 Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa.

25 Ngunit(E) hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki[a] na pinangalanan niyang Jesus.

Mga Awit 34

Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
    ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
    marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
    at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!

Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
    at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
    at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
    at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
    sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
    Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
    ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.

11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
    ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
    at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
    at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
    hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
    at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
    upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
    at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
    at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.

19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
    ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
    sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
    at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
    walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]

15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,

16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;

17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.

18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,

19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001