Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 140

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
    mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
    na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
    at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
    at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
    ingatan mo ako sa mararahas na tao,
    na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
    at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
    naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)

Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
    pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
    tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
    huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)

Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
    takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
    Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
    kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
    at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
    ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.

Mga Awit 142

Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.

142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!

Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.

Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.

Mga Awit 141

Awit ni David.

141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
    Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
    at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.

Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
    Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
    na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
    at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.

Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
    huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
    sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
    at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
    gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.

Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
    sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
    at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
    habang ako naman ay tumatakas.

Mga Awit 143

Awit ni David.

143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
    iyong dinggin ang aking mga daing!
    Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
    sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
    kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
    pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
    ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.

Aking naaalala ang mga araw nang una,
    aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
    aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
    ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)

Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
    Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
    baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
    sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
    tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
    sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
    sa landas na pantay!

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
    Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
    at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
    sapagkat ako'y iyong lingkod.

Ruth 3

Pinuntahan ni Ruth si Boaz

Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Naomi na kanyang biyenan, “Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng tahanan para sa ikabubuti mo?

Ngayon, hindi ba si Boaz ay ating kamag-anak, na ang kanyang mga katulong ay siya mong nakasama? Narito, siya'y gigiik ng sebada ngayong gabi sa giikan.

Kaya't maligo ka at magpabango. Magbihis ka at bumaba sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam sa lalaki na naroon ka, hanggang siya'y makakain at makainom.

At mangyayari kapag humiga na siya, iyong tandaan ang dakong kanyang hihigaan. Pagkatapos, pumaroon ka at iyong alisan ng takip ang kanyang mga paa, at mahiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”

Sinabi niya sa kanya, “Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.”

Siya'y bumaba sa giikan at ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng kanyang biyenan.

Nang si Boaz ay makakain at makainom, at ang kanyang puso'y masaya na, siya'y pumunta upang humiga sa dulo ng bunton ng trigo. Pagkatapos, si Ruth[a] ay dahan-dahang dumating, inalisan ng takip ang kanyang mga paa, at siya'y nahiga.

At nangyari sa hatinggabi, na ang lalaki ay nagulat at bumaling. Nakita niya na may isang babaing nakahiga sa kanyang paanan!

Sinabi niya, “Sino ka?” At siya'y sumagot, “Ako si Ruth, na iyong lingkod. Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak.”

10 Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko. Ginawa mong higit ang huling kagandahang-loob na ito kaysa sa una, na hindi ka naghanap ng kabataang lalaki maging dukha o mayaman.

11 Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi sapagkat alam ng aking buong bayan na ikaw ay isang babaing karapat-dapat.

12 Tunay(A) nga na ako'y malapit na kamag-anak, gayunman ay may mas malapit na kamag-anak pa kaysa akin.

13 Maghintay ka ngayong gabi at sa kinaumagahan, kung kanyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak[b] ay mabuti; hayaan mong gawin niya. Ngunit kung ayaw niyang gawin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay gagawin ko para sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak, habang ang Panginoon ay nabubuhay. Mahiga ka hanggang umaga.”

14 Siya nga'y nahiga sa kanyang paanan hanggang umaga, ngunit siya'y bumangon bago pa magkakilala ang isa't isa. Kanyang sinabi, “Huwag nawang malaman na ang babae ay pumunta sa giikan.”

15 Kanyang sinabi, “Dalhin mo rito ang balabal na iyong suot at hawakan mo.” Hinawakan niya ito, at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada. Isinunong ito sa kanya at siya'y pumasok sa lunsod.

16 Nang siya'y dumating sa kanyang biyenan ay sinabi niya, “Anong nangyari, anak ko?” Isinalaysay niya sa kanya ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kanya.

17 Sinabi niya, “Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin sapagkat kanyang sinabi, ‘Huwag kang pupunta sa iyong biyenan nang walang dala.’”

18 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Maghintay ka, anak ko, hanggang sa iyong malaman kung ano ang mangyayari, sapagkat ang lalaking iyon ay hindi hihinto, hanggang sa matapos niya ang bagay sa araw na ito.”

2 Corinto 4:1-12

Kayamanan sa Sisidlang-lupa

Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.

Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.

At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.

Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos.

Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo.

Sapagkat(A) ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo.

Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin.

Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa;

pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa;

10 na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan.

11 Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan.

12 Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo.

Mateo 5:38-48

Turo tungkol sa Paghihiganti(A)

38 “Narinig(B) ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’

39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong labanan ang masamang tao.’ At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.

40 Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal.

41 Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo.

Ibigin ang Kaaway(C)

43 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,

45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?

48 Kaya't kayo(D) nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001