Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
2 Mapahiya at malito nawa sila
na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
silang nagnanais na ako'y masaktan!
3 Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
silang nagsasabi, “Aha, Aha!”
4 Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
5 Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
O Panginoon, huwag kang magtagal!
71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
huwag nawa akong mapahiya kailanman!
2 Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
3 Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.
4 Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
5 Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.
7 Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
8 Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
9 Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
habulin at hulihin siya;
sapagkat walang magliligtas sa kanya.”
12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
ng iyong mga kaligtasan buong araw;
sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.
17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
ay umabot sa mataas na kalangitan.
Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
at muli akong aliwin.
22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
sila na nagnanais na ako'y saktan.
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
9 “Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha.”
10 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah Panginoong Diyos, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, ‘Kayo'y magiging payapa,’ samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!”
Ang Kalungkutan ni Jeremias para sa Kanyang Bayan
19 Ang paghihirap ko, ang paghihirap ko! Ako'y namimilipit sa sakit!
O ang pagdaramdam ng aking puso!
Ang aking puso ay kakaba-kaba,
hindi ako matahimik;
sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta,
ang hudyat ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga pagkapinsala,
ang buong lupain ay nasisira.
Ang aking mga tolda ay biglang nawasak,
at ang aking mga tabing sa isang iglap.
21 Hanggang kailan ang watawat ay aking makikita
at maririnig ang tunog ng trumpeta?
22 “Sapagkat ang bayan ko ay hangal,
hindi nila ako nakikilala:
sila'y mga batang mangmang
at sila'y walang pang-unawa.
Sa paggawa ng masama sila ay marunong,
ngunit sa paggawa ng mabuti ay wala silang alam.”
23 Ako'y tumingin sa lupa, at narito, ito'y wasak at walang laman;
at sa mga langit, at sila'y walang liwanag.
24 Ako'y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig,
at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik.
25 Ako'y tumingin, at narito, walang tao,
at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan.
26 Ako'y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto,
at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho
sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng kanyang mabangis na galit.
27 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay mawawasak; gayunma'y hindi ko isasagawa ang lubos na pagwasak.
28 Dahil dito ang lupa ay tatangis,
at ang langit sa itaas ay magiging madilim;
sapagkat ako'y nagsalita, ako'y nagpanukala,
at hindi ako magbabago ng isip ni ako'y uurong.”
12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.
13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.
14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.
15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;
16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos,
18 at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan,
19 at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,
20 tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan;
21 ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?
22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?
23 Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan?
24 “Sapagkat(A) ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.
Ang Kapangyarihan ng Anak
19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.
20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.
21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.
22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;
23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.
25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.
26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.
27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.
28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,
29 at(A) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001