Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 63

Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Mga Awit 98

Isang Awit.

98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
    sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
    ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
    ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
    sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
    ang kaligtasan ng aming Diyos.

Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
    magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
    ng lira at ng tunog ng himig!
Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
    sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!

Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
    ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
    sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
    upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
    at ng katarungan ang mga bayan.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Deuteronomio 8:1-10

Isang Mabuting Lupain na Aangkinin

“Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.

At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.

Ikaw(A) ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.

Ang iyong suot ay hindi naluma, hindi namaga ang iyong paa sa loob ng apatnapung taon.

Alamin mo sa iyong puso na kung paanong dinidisiplina ng tao ang kanyang anak, ay dinidisiplina ka rin ng Panginoon mong Diyos.

Kaya't tutuparin mo ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan, at matakot ka sa kanya.

Sapagkat dinadala ka ng Panginoon mong Diyos sa isang mabuting lupain, ang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok,

lupain ng trigo, sebada, puno ng ubas, mga puno ng igos, mga granada, mga puno ng olibo at ng pulot,

lupain kung saan ka kakain ng tinapay at di ka kukulangin, na doon ay hindi kukulangin ng anumang bagay; lupain na ang mga bato ay bakal, at makakahukay ka ng tanso mula sa mga burol nito.

10 Kakain ka, mabubusog, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Diyos dahil sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa iyo.

1 Corinto 1:17-31

17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.

19 Sapagkat(A) nasusulat,

“Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong,
    at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin.”

20 Nasaan(B) ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang bihasang makipagtalo ng panahong ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan?

21 Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral.

22 Sapagkat ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda, at ang mga Griyego ay humahanap ng karunungan,

23 subalit ipinangangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil,

24 ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos.

25 Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao.

26 Sapagkat tingnan ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid: kakaunti sa inyo ang matatalino ayon sa pamantayan ng tao,[a] hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang isinilang na marangal.

27 Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang malalakas.

28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga,

29 upang walang sinuman[b] ang magmalaki sa harapan ng Diyos.

30 Subalit kayo ay na kay Cristo Jesus, na naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan, at katubusan,

31 upang(C) ayon sa nasusulat, “Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon.”

Marcos 2:18-22

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(A)

18 Noon ay nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. Sila'y lumapit at sinabi sa kanya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?”

19 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno.

20 Ngunit darating ang mga araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at kung magkagayo'y mag-aayuno sila sa araw na iyon.

21 Walang nagtatagpi ng matibay na tela sa damit na luma. Kapag gayon, babatakin ng itinagpi, ang bago mula sa luma at lalong lalaki ang punit.

22 Walang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kapag gayon, papuputukin ng alak ang mga balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong sisidlang balat.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001