Book of Common Prayer
Awit ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masasama,
huwag kang managhili sa mga masama ang gawa!
2 Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho,
at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo.
3 Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng kabutihan;
upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan.
4 Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya,
at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya.
5 Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa Panginoon;
magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa.
6 Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag,
at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat.
7 Ikaw ay manahimik sa Panginoon, at matiyaga kang maghintay sa kanya:
huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya,
dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana.
8 Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!
Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan.
9 Sapagkat ang masasama ay tatanggalin;
ngunit ang naghihintay sa Panginoon ay magmamana ng lupain.
10 Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na;
kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon.
11 Ngunit(A) mamanahin ng maaamo ang lupain,
at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan.
12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.
14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
18 Nalalaman ng Panginoon ang mga araw ng mga walang kapintasan,
at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan;
sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan.
20 Ngunit ang masama ay mamamatay,
ang mga kaaway ng Panginoon ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan,
sila'y nawawala—gaya ng usok sila'y napaparam.
21 Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad,
ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay;
22 sapagkat ang mga pinagpala ng Panginoon ay magmamana ng lupain;
ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin.
23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
at maninirahan doon magpakailanman.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.
32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.
35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.
37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.
6 “Sapagkat(A) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos; pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.
7 Kayo'y inibig at pinili ng Panginoon hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao;
8 kundi dahil iniibig kayo ng Panginoon, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno, kaya inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ng Faraon na hari sa Ehipto.
9 Dahil(B) dito, kilalanin ninyo na ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos; ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi;
10 at pinaghihigantihan ang mga napopoot sa kanya, upang puksain sila. Siya'y hindi magpapaliban kundi kanyang gagantihan sila na napopoot sa kanya.
11 Kaya't maingat mong tuparin ang utos, mga tuntunin, at mga batas na aking iniutos sa iyo sa araw na ito.
Pagbati
1 Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan,
2 sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa nagsimula ang mga panahon, ito ay ipinangako ng Diyos na hindi nagsisinungaling.
3 Ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag sa kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4 kay(A) Tito na aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Biyaya at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.
Ang Gawain ni Tito sa Creta
5 Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo:
6 Siya(B) ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail.
7 Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang;
8 kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili.
9 Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli.
11 Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang.
12 Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila,
‘Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.’
13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya,
14 na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan.
15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi.
16 Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.
Ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
30 Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin,[a] sapagkat siya'y nauna sa akin.
31 Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.”
32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya.
33 Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’
34 Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001