Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.
8 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!
Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
2 mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.
3 Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
4 ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
5 Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
6 Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
7 lahat ng tupa at baka,
gayundin ang mga hayop sa parang,
8 ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.
9 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!
Awit ni David.
138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
2 Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
3 Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
4 Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
5 at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
6 Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.
7 Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
8 Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.
Nagkasala ang Tao
3 Ang(A) ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”
2 At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;
3 subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”
4 Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5 Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
6 Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.
7 At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.
8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9 Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13 Sinabi(B) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(C) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
12 Kaya't(A) kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala;
13 tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.
14 Gayunman, ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating.
15 Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo.
16 At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap.
17 Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.
18 Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay.
19 Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.
20 Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya;
21 upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001