Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 137

137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
    doon tayo'y naupo at umiyak;
    nang ang Zion ay ating maalala;
sa mga punong sauce sa gitna nito,
    ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
    ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
    “Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”

Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
    sa isang lupaing banyaga?

O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,

    makalimot nawa ang aking kanang kamay!
Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
    kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
    sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
    ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
    Hanggang sa kanyang saligan!
O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
    Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
    ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
    at sa malaking bato sila'y sasalpok.

Mga Awit 144

Awit ni David.

144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
    kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
    aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
    na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
    o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
Ang tao ay katulad ng hininga,
    gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
    Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
    suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
    iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
    mula sa kamay ng mga dayuhan,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
    na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
    sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
    na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
    at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
    at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
    ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
    na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
    na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
    at mga sampung libo sa aming mga parang;
14     ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
    huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
    Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!

Mga Awit 104

Bilang Pagpupuri sa Manlalalang

104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
    O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
    na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
    na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
    na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
    at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.

Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
    upang ito'y huwag mayanig kailanman.
Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
    ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
    sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
    sa dakong pinili mo para sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
    upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.

10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
    ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
    pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
    sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
    sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.

14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
    at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15     at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
    at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
    ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
    ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
    ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
    nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
    nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
    na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
    at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
    at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.

24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
    Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
    ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
    na punô ng mga bagay na di mabilang,
    ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
    at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.

27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
    upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
    iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
    iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
    at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
    at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
    magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
    na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
    ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
    para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
    at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!

Ruth 4:1-17

Tinubos ni Boaz ang Mana ni Elimelec

Si Boaz ay nagtungo sa pintuang-bayan at naupo roon. Hindi nagtagal, ang malapit na kamag-anak na sinabi ni Boaz ay dumaan. Sinabi niya sa lalaking iyon “Halika, kaibigan. Maupo ka rito.” Siya'y lumapit at naupo.

Siya'y kumuha ng sampung lalaki sa matatanda ng bayan, at sinabi, “Maupo kayo rito.” Kaya't sila'y naupo.

Pagkatapos ay sinabi niya sa malapit na kamag-anak, “Si Naomi na bumalik na galing sa lupain ng Moab ay ipinagbibili ang bahagi ng lupa, na pag-aari ng ating kamag-anak na si Elimelec.

Kaya't aking inisip na sabihin sa iyo na, “Bilhin mo sa harap ng mga nakaupo rito, at sa harap ng matatanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; ngunit kung hindi mo tutubusin ay sabihin mo, upang malaman ko. Sapagkat wala ng iba pang tutubos liban sa iyo, at ako ang sumusunod sa iyo.” At sinabi niya, “Aking tutubusin.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz, “Sa araw na iyong bilhin ang bukid sa kamay ni Naomi, iyo ring binibili si Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana.”

At sinabi ng malapit na kamag-anak, “Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili, baka masira ang aking sariling mana. Iyo na ang aking karapatan ng pagtubos, sapagkat hindi ko ito matutubos.”

Ito(A) ang kaugalian nang unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalitan upang pagtibayin ang lahat ng mga bagay. Hinuhubad ng isa ang kanyang panyapak at ibinibigay sa kanyang kapwa; at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.

Kaya't nang sabihin ng malapit na kamag-anak kay Boaz, “Bilhin mo para sa iyo,” ay hinubad niya ang kanyang panyapak.

Sinabi ni Boaz sa matatanda at sa buong bayan, “Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelec, lahat ng kay Chilion at kay Malon, mula sa kamay ni Naomi.

10 Bukod(B) dito'y si Ruth na Moabita na asawa ni Malon, ay aking binili upang aking maging asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag matanggal sa gitna ng kanyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kanyang sinilangan. Kayo'y mga saksi sa araw na ito.”

11 Pagkatapos,(C) ang buong bayan na nasa pintuang-bayan at ang matatanda ay nagsabi, “Kami ay mga saksi. Gawin nawa ng Panginoon na ang babaing papasok sa iyong bahay na maging gaya nina Raquel at Lea na sila ang nagtatag ng sambahayan ni Israel. Maging makapangyarihan ka nawa sa Efrata at maging bantog sa Bethlehem.

12 Ang(D) iyong sambahayan ay maging gaya ng sambahayan ni Perez na ipinanganak ni Tamar kay Juda, dahil sa mga anak na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”

Si Ruth ay Naging Asawa ni Boaz

13 Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalaki.

14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Purihin ang Panginoon na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.

15 Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya.”

16 Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito.

17 Binigyan ng pangalan ang bata ng mga babaing kanyang kapitbahay, na sinasabi, “May isang lalaki na ipinanganak kay Naomi.” At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David.”

2 Corinto 4:13-5:10

13 Yamang(A) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;

14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.

15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Pamumuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.

17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,

18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.

Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan,

upang kung mabihisan[a] na niyon ay hindi kami matagpuang hubad.

Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay.

Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad.

Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon.

Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.

Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.

Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan.

10 Sapagkat(B) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.

Mateo 6:1-16

Turo tungkol sa Paglilimos

“Mag-ingat(A) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.

“Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,

upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.

Turo tungkol sa Pananalangin(B)

“At(C) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[a]

“At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.

Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.

Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.

10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.

11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[b]

12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.

13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[c]

14 Sapagkat(D) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.

15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.

Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001