Book of Common Prayer
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.
13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.
16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.
22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.
15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
17 Babalik sa Sheol ang masama
ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Babala Laban sa Pagsuway
10 “Kapag(A) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, upang ibigay sa iyo ang malalaki at mabubuting lunsod na hindi mo itinayo,
11 at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi mo pinunô, at mga balon na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay kakain at mabubusog,
12 ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
13 Matakot(B) ka sa Panginoon mong Diyos at maglingkod ka sa kanya at ikaw ay susumpa sa pamamagitan ng kanyang pangalan.
14 Huwag kang susunod sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bansang nasa palibot mo;
15 sapagkat ang Panginoon mong Diyos na nasa gitna mo ay isang mapanibughuing Diyos; baka ang galit ng Panginoon mong Diyos ay mag-alab laban sa iyo, at ikaw ay kanyang lipulin sa ibabaw ng lupa.
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,
2 subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.
3 Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos[a] at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan,
4 palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.
Higit na Dakila ang Anak kaysa mga Anghel
5 Sapagkat(A) kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos[b] kailanman,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging iyong Ama?”
At muli,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak?”
6 At(B) muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya,
“Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”
7 Tungkol(C) sa mga anghel ay sinasabi niya,
“Ginagawa niyang mga hangin ang mga anghel,
at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”
8 Ngunit,(D) tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
at ang setro ng katuwiran ang siyang setro ng iyong kaharian.
9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
kaya't ang Diyos, ang Diyos mo, ay binuhusan ka
ng langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”
10 At,(E)
“Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang saligan ng lupa,
at ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay;
11 sila'y mapaparam, subalit ikaw ay nananatili,
at silang lahat ay malulumang gaya ng kasuotan;
12 gaya ng isang balabal sila'y iyong ilululon,
at gaya ng damit, sila ay mapapalitan.
Ngunit ikaw ay ikaw pa rin,
at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas.”
13 Ngunit(F) kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa?”
14 Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan?
Ang Salita ng Buhay
1 Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
2 Sa simula ay kasama na siya ng Diyos.
3 Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.
4 Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.
5 Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi nagapi ng kadiliman.
6 Mayroong(A) isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay Juan.
7 Siya ay dumating bilang saksi, upang magpatotoo tungkol sa ilaw, upang sa pamamagitan niya'y sumampalataya ang lahat.
8 Hindi siya ang ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
9 Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan.
10 Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.
11 Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.
12 Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos,
13 na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.
14 At naging tao[a] ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw, “Siya yaong aking sinasabi, ‘Ang dumarating na kasunod ko ay naging una sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’”
16 At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.
17 Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
18 Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak[b] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001