Book of Common Prayer
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ipinangako ang Tulong ng Panginoon
17 “Kapag sinabi mo sa iyong puso, ‘Ang mga bansang ito ay higit na dakila kaysa akin; paano ko sila mapapalayas?’
18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Diyos sa Faraon, at sa buong Ehipto,
19 ang napakaraming pagsubok na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, mga kababalaghan, ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig na sa pamamagitan nito ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos, gayundin ang gagawin ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bayang iyong kinatatakutan.
20 Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Diyos ang malalaking putakti hanggang sa ang mga naiwan ay mamatay, pati na ang mga nagtatago sa harapan mo.
21 Huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo, isang dakila at kakilakilabot na Diyos.
22 At unti-unting itataboy ng Panginoon mong Diyos ang mga bansang iyon sa harapan mo. Maaaring hindi mo agad sila puksain, baka ang mga hayop sa parang ay masyadong dumami para sa iyo.
23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at pupuksain sila ng isang malaking pagkalito hanggang sa sila'y malipol.
24 Kanyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit. Walang taong magtatagumpay laban sa iyo hanggang sa mapuksa mo sila.
25 Iyong susunugin sa apoy ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; huwag mong pagnanasaan ang pilak o ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo para sa iyo, upang ikaw ay huwag mabitag nito, sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon.
26 Huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, baka ikaw ay maging isang isinumpa na gaya niyon. Lubos mong kasusuklaman iyon at kamumuhian iyon, sapagkat iyon ay bagay na isinumpa.
Ang Mabuting Pamumuhay
3 Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa,
2 huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.
3 Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa.
4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
6 Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas;
7 upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.
8 Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9 Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan.
10 Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo;
11 yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili.
Mga Tagubilin at Basbas
12 Kapag(A) isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig.
13 Pagsikapan(B) mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman.
14 At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.
15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
Biyaya nawa ang sumainyong lahat.[a]
Tinawagan ni Jesus sina Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”
44 Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro.
45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, “Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.”
46 Sinabi sa kanya ni Nathanael, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Halika at tingnan mo.”
47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!”
48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano mo ako nakilala?” Si Jesus ay sumagot, “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita.”
49 Sumagot si Nathanael sa kanya, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel.”
50 Si Jesus ay sumagot sa kanya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, ‘Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,’ kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito.”
51 Sinabi(A) niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001