Book of Common Prayer
Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.
89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
2 Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.
3 “Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
4 ‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)
5 Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
6 Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
7 isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
9 Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
“Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)
38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)
46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.
10 “At kapag sinabi mo sa mga taong ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, ‘Bakit binigkas ng Panginoon ang lahat ng malaking kasamaang ito laban sa amin? Ano ang aming kasamaan? Ano ang kasalanang nagawa namin laban sa Panginoon naming Diyos?’
11 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Sapagkat tinalikuran ako ng inyong mga ninuno, at nagsisunod sa ibang mga diyos, naglingkod sa kanila, nagsisamba sa kanila, tinalikuran ako, at hindi iningatan ang aking kautusan, sabi ng Panginoon.
12 At yamang kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kaysa inyong mga ninuno, sapagkat, masdan ninyo, lumalakad ang bawat isa sa inyo ayon sa katigasan ng kanya-kanyang masamang kalooban, at ayaw makinig sa akin.
13 Kaya't itataboy ko kayo mula sa lupaing ito tungo sa lupaing hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos araw at gabi, sapagkat hindi ako magpapakita sa inyo ng anumang paglingap.’
Ang Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 “Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
15 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!’ Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.
17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.
18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”
19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”
21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”
Paglalarawan mula sa Pag-aasawa
7 O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?
2 Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.
3 Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.
4 Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.
5 Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.
6 Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ano(A) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”
8 Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.
9 Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,
10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.
11 Sapagkat(B) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.
12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001