Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 6

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.

O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
    ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
    O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
    Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?

Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
    iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
    sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?

Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
    bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
    dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
    ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.

Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
    sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
    tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
    sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.

Mga Awit 12

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.

12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
    sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
    sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
    ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
    ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
“Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
    titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
    “Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
    gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
    na pitong ulit na dinalisay.

O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
    iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
Gumagala ang masasama sa bawat dako,
    kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.

Mga Awit 94

Ang Diyos na Hukom ng Lahat

94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
    ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
    ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
    hanggang kailan magsasaya ang masama?

Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
    lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
    at ang iyong mana ay sinaktan.
Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
    ang ulila ay kanilang pinatay.
At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
    ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
    Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
    hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
    sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
    at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
    hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
    hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
    at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.

16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
    Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
    ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
    O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
    ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
    silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
    at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
    at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
    at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
    papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.

Jeremias 15:10-21

Dumaing si Jeremias sa Panginoon

10 Kahabag-habag ako, ina ko, na ipinanganak mo ako, isang taong palaaway at taong palaban sa buong lupain! Ako'y hindi nagpautang na may patubo o pinautang man na may patubo, gayunma'y sinusumpa nila akong lahat.

11 Sinabi ng Panginoon, Tunay na namagitan ako sa iyong buhay sa ikabubuti, tunay na nakiusap ako sa iyo para sa kaaway sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng kagipitan!

12 Mababasag ba ng sinuman ang bakal, ang bakal na mula sa hilaga, at ang tanso?

13 “Ang iyong kayamanan at ang iyong ari-arian ay ibibigay ko bilang samsam, na walang bayad, dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mong nasasakupan.

14 Pararaanin kita kasama ng iyong mga kaaway sa lupaing hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay isang apoy ang nagniningas na magliliyab magpakailanman.”

15 O Panginoon, nalalaman mo;
    alalahanin mo ako, at dalawin mo ako,
    at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin.
Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin,
    alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya.
16 Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain;
    at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan
    at kagalakan ng aking puso,
sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O Panginoon, Diyos ng mga hukbo.
17 Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya,
    ni nagalak man ako;
ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin,
    sapagkat pinuno mo ako ng galit.
18 Bakit hindi tumitigil ang aking kirot,
    at ang aking sugat ay walang lunas,
    at ayaw mapagaling?
Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin,
    parang tubig na nauubos?

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli,
    at ikaw ay tatayo sa harapan ko.
Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan,
    ikaw ay magiging parang aking bibig.
Sila'y manunumbalik sa iyo,
    ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila.
20 At gagawin kita para sa bayang ito
    na pinatibay na pader na tanso;
lalaban sila sa iyo,
    ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo;
sapagkat ako'y kasama mo
    upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng Panginoon.
21 At ililigtas kita mula sa kamay ng masama,
    at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa.”

Filipos 3:15-21

15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.

16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.

17 Mga(A) kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.

18 Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.

19 Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.

20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo,

21 na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.

Juan 12:20-26

Hinanap ng Ilang Griyego si Jesus

20 Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.

21 Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”

22 Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.

23 Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.

25 Ang(A) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.

26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001