Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 95

95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
    at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
    ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
    ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.

O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
    tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
Sapagkat(A)(B) siya'y ating Diyos,
    at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
    at mga tupa ng kanyang kamay.

Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
    huwag(C) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
    gaya ng araw sa ilang sa Massah,
nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
    at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
    at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
    at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(D) sa aking galit ako ay sumumpa,
    na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”

Mga Awit 22

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.

22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
    Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
    at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.

Gayunman ikaw ay banal,
    nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
    sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
    sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.

Ngunit ako'y uod at hindi tao,
    kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
    nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
“Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
    hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”

Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
    iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
    at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
    sapagkat malapit ang gulo,
    at walang sinumang sasaklolo.

12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
    ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
    gaya ng sumasakmal at leong umuungal.

14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
    at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
    ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
    sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.

16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
    pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
    at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.

19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
    O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
    ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
    sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!

22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
    pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
    Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
    at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
    ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.

25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
    tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
    yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
    Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.

27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
    at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
    ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
    at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
    sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
    at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
    ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
    na dito ay siya ang may kagagawan.

Mga Awit 141

Awit ni David.

141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
    Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
    at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.

Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
    Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
    na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
    at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.

Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
    huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
    sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
    at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
    gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.

Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
    sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
    at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
    habang ako naman ay tumatakas.

Mga Awit 143

Awit ni David.

143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
    iyong dinggin ang aking mga daing!
    Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
    sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
    kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
    pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
    ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.

Aking naaalala ang mga araw nang una,
    aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
    aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
    ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)

Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
    Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
    baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
    sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
    tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
    sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
    sa landas na pantay!

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
    Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
    at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
    sapagkat ako'y iyong lingkod.

Jeremias 29:1

Ang Liham ni Jeremias sa mga Judio sa Babilonia

29 Ito(A) ang mga salita ng sulat na ipinadala ni propeta Jeremias mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa mga bihag, at sa mga pari, sa mga propeta, at sa lahat ng taong-bayan, na dinalang-bihag ni Nebukadnezar sa Babilonia mula sa Jerusalem.

Jeremias 29:4-13

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, sa lahat ng mga bihag na aking ipinadalang-bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem:

Magtayo kayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.

Magsipag-asawa kayo, at maging ama ng mga anak na lalaki at babae. Ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalaki, at inyong ibigay ang inyong mga anak na babae upang mag-asawa, upang magkaanak sila ng mga lalaki at mga babae. Magparami kayo roon at huwag mabawasan.

At inyong hanapin ang kapakanan ng lunsod na aking pinagdalhang-bihag sa inyo, at inyong idalangin iyon sa Panginoon, sapagkat sa kapakanan niyon ay magkakaroon kayo ng kapakanan.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Huwag kayong padadaya sa inyong mga propeta at sa inyong mga manghuhula na kasama ninyo, huwag kayong makikinig sa mga panaginip na kanilang napapanaginip,

sapagkat kasinungalingan ang propesiya na sinasabi nila sa inyo sa aking pangalan, hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon.

10 “Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoon: Kapag naganap na ang pitumpung taon para sa Babilonia, dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito.

11 Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.

12 At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo.

13 Hahanapin(B) ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso.

Roma 11:13-24

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

13 Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo

14 baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila.

15 Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?

16 Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga.

17 Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo,

18 huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo.

19 Sasabihin mo nga, “Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib.”

20 Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka.

21 Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan.

22 Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin.

23 At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di-pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanib na muli.

24 Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo?

Juan 11:1-27

Namatay si Lazaro

11 Noon(A) ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.

Si(B) Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.

Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus,[a] “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”

Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”

Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.

Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.

Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”

Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”

Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.

10 Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.

11 Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”

12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”

13 Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro,[b] subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.

14 Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,

15 at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”

16 Si Tomas na tinatawag na Kambal[c] ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.

18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.[d]

19 At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.

20 Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.

21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.

22 Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”

23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”

24 Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay.

26 At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?”

27 Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan.

Juan 12:1-10

Pinahiran ng Pabango si Jesus sa Betania(A)

12 Anim na araw bago magpaskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay.

Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo[a] sa may hapag-kainan na kasalo niya.

Si(B) Maria ay kumuha ng isang libra[b] ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango.

Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi,

“Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario,[c] at ibinigay sa mga dukha?”

Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon.

Kaya't sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin.

Sapagkat(C) ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo.”

Sabwatan Laban kay Lazaro

Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay.

10 Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro,

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001