Book of Common Prayer
Panalangin ng Kabataang may Suliranin.
102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
dumating nawa ang daing ko sa iyo!
2 Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
3 Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
5 Dahil sa lakas ng daing ko,
dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
6 Ako'y parang pelikano sa ilang;
ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
7 Ako'y gising,
ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
8 Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
9 Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
ako'y natutuyo na parang damo.
12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.
18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27 ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(B) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
7 O Panginoon, dinaya[a] mo ako,
at ako'y nadaya;[b]
mas malakas ka kaysa akin,
at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
tinutuya ako ng bawat isa.
8 Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
9 At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
at hindi ko makaya.
10 Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
kung magkagayo'y madadaig natin siya,
at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11 Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
ay hindi malilimutan.
14 Kaya, mga minamahal ko, lumayo kayo sa pagsamba sa diyus-diyosan.
15 Ako'y nagsasalita sa mga tulad sa marurunong; timbangin ninyo para sa inyong sarili ang sinasabi ko.
16 Ang(A) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikisalo sa katawan ni Cristo?
17 Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.
29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.
30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]
31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.
32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.
Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad
17 Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,
2 yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.
3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.
4 Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.
5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.
6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.
7 Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;
8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.
9 Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo.
10 Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila.
11 At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
12 Habang(A) ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
13 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.
14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan.
15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.
16 Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan.
17 Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.
18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.
19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.
20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,
21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.
22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.
24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.
25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.
26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001