Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos na Hari

93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
    ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
    Ang trono mo'y natatag noong una;
    ikaw ay mula sa walang pasimula.
Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
    kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
    ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!

Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
    ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
    O Panginoon, magpakailanman.

Mga Awit 98

Isang Awit.

98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
    sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
    ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
    ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
    sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
    ang kaligtasan ng aming Diyos.

Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
    magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
    ng lira at ng tunog ng himig!
Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
    sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!

Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
    ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
    sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
    upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
    at ng katarungan ang mga bayan.

Mga Awit 66

Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
    awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
    gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
    Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)

Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
    siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
    ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
    siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
    ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
    ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
    at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
    na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)

16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
    at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
    at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
    ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
    kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.

20 Purihin ang Diyos,
    sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
    ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!

Jonas 2:1-9

Ang Panalangin ni Jonas

Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,

at kanyang sinabi,

“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati,
    at siya'y sumagot sa akin;
mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw,
    at iyong dininig ang aking tinig.
Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman,
    sa pusod ng dagat,
    at ang tubig ay nasa palibot ko;
ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong
    ay umaapaw sa akin.
Kaya't aking sinabi, ‘Ako'y inihagis
    mula sa iyong harapan;
gayunma'y muli akong titingin
    sa iyong banal na templo.’
Kinukulong ako ng tubig sa palibot.
    Ang kalaliman ay nasa palibot ko.
Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
    Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok.
    Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman.
Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay,
    O Panginoon kong Diyos.
Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay,
    naalala ko ang Panginoon;
at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
    ay nagtatakuwil ng kanilang tunay na katapatan.

Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo

    na may tinig ng pasasalamat.
Aking tutuparin ang aking ipinanata.
    Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”

Mga Gawa 2:14

Nangaral si Pedro

14 Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin.

Mga Gawa 2:22-32

22 “Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo—

23 Siya,(A) na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan.

24 Ngunit(B) siya'y muling binuhay ng Diyos, pagkatapos palayain sa mga hirap ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y mapigilan nito.

25 Sapagkat(C) sinasabi ni David tungkol sa kanya,

‘Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko,
    sapagkat siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag;
26 kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila;
    gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat hindi mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades,
    ni ipahihintulot man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
28 Ipinaalam mo sa akin ang mga daan ng buhay;
    pupuspusin mo ako ng kagalakan sa iyong harapan.’

29 “Mga kapatid, may tiwalang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriyarkang si David. Siya rin ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito.

30 Yamang(D) siya'y isang propeta at nalalaman niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga inapo ay iluluklok niya sa kanyang trono.

31 Yamang nakita niya ito bago pa mangyari, nagsalita si David tungkol sa muling pagkabuhay ng Cristo:

‘Hindi siya pinabayaan sa Hades,
    ni ang kanya mang katawan ay nakakita ng kabulukan.’

32 Ang Jesus na ito'y muling binuhay ng Diyos, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.

Juan 14:1-14

Si Jesus ang Daan tungo sa Ama

14 “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.

Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?

At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.

Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”[a]

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’

10 Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa.

11 Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Subalit kung hindi ay sumampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa.

12 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako'y pupunta sa Ama.

13 At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak.

14 Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001