Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 51

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.

51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
    ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
    at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
    at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
    at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
    at walang dungis sa iyong paghatol.
Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
    at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
    at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
    hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
    hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
    at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.

10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
    at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
    at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
    at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
    at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
    ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
    at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
    at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
    hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
    isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.

18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
    itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
    sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
    kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.

Mga Awit 69:1-23

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.

69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
    Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
    ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
    at ang baha ay tumatangay sa akin.
Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
    ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
    sa kahihintay sa aking Diyos.

Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
    ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
    ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.

Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
    O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
    O Diyos ng Israel.
Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
    at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
    sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.

Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
    at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
    iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
    naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
    at ako ang awit ng mga lasenggo.

13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
    sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
    sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14     sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
    at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
    mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
    ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
    ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.

16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
    ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
    sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
    dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!

19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
    ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
    lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
    kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
    at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(C) nila ako ng lason bilang pagkain,
    at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(D) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
    kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.

23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;

    at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.

Jeremias 12:1-16

Tinanong ni Jeremias ang Panginoon

12 Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
    kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
    gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
    Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
    sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
    at malayo sa kanilang mga puso.
Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
    nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
    at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
Hanggang kailan tatangis ang lupain,
    at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
    ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
    sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
    paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
    paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
    ay nagtaksil sa iyo;
    sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
    bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”

Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway

“Pinabayaan ko ang aking bahay,
    tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
    sa kamay ng kanyang mga kaaway.
Ang aking mana para sa akin
    ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
    kaya't kinamumuhian ko siya.
Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
    Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
    dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10 Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
    kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
    ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11 Winasak nila ito, ito'y wasak,
    ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
    gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12 Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
    mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
    walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
    pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
    dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”

14 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: “Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila.

15 At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain.

16 At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, ‘Habang buháy ang Panginoon;’ gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.

Filipos 3:1-14

Paghiwalay sa Nakaraan

Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas.

Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli.[a]

Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman—

bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako:

tinuli(A) nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo,

tungkol(B) sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan.

Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo.

Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo,

at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya;

10 upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan,

11 upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay.

Pagpapatuloy sa Mithiin

12 Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus.

13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.

Juan 12:9-19

Sabwatan Laban kay Lazaro

Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay.

10 Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro,

11 sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus.

Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

12 Kinabukasan, nang mabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay darating sa Jerusalem,

13 sila'y(B) kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, “Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel.”

14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno, at sumakay siya roon, gaya ng nasusulat,

15 “Huwag(C) kang matakot, anak na babae ng Zion, tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang anak ng asno.”

16 Sa simula ang mga bagay na ito ay hindi naunawaan ng kanyang mga alagad. Ngunit nang si Jesus ay niluwalhati na, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kanya, at nangyari ang mga bagay na ito sa kanya.

17 Kaya't ang maraming tao na kasama niya, nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y buhayin mula sa mga patay, ay siyang nagpapatunay.

18 Ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay sumalubong sa kanya ay sapagkat nabalitaan nila na ginawa niya ang tandang ito.

19 Sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Tingnan ninyo, wala kayong magagawa. Ang sanlibutan ay sumusunod sa kanya.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001