Book of Common Prayer
Awit ni David.
101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
2 Aking susundin ang daang matuwid.
O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
na may tapat na puso.
3 Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
4 Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
hindi ako makakaalam ng masamang bagay.
5 Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
ay hindi ko titiisin.
6 Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
ay maglilingkod sa akin.
7 Walang taong gumagawa ng pandaraya
ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
ang mananatili sa aking harapan.
8 Tuwing umaga ay aking lilipulin
ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
sa lunsod ng Panginoon.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
109 Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
2 Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
3 May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
4 Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
ngunit ako ay nasa panalangin.
5 Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
at pagkapoot sa pag-ibig ko.
6 “Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
7 Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
8 Maging(A) kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
9 Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
at mabalo ang kanyang asawa!
10 Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11 Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12 Wala nawang maging mabait sa kanya;
ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13 Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14 Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15 Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16 Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
at ang may bagbag na puso upang patayin.
17 Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18 Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19 Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”
20 Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(B) nama'y naging hamak sa kanila,
kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.
26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
AIN.
121 Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122 Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
at sa iyong matuwid na pangako.
124 Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126 Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128 Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.
PE.
129 Kahanga-hanga ang mga patotoo mo,
kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko.
130 Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan;
nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.
131 Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako,
sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo.
132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin,
gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin.
133 Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako,
at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan.
134 Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao,
upang aking matupad ang mga tuntunin mo.
135 Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo,
at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo.
136 Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko,
sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
TZADDI.
137 Matuwid ka, O Panginoon,
at matuwid ang iyong mga hatol.
138 Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran
at sa buong katapatan.
139 Tinunaw ako ng sigasig ko,
sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
140 Totoong dalisay ang salita mo,
kaya't iniibig ito ng lingkod mo.
141 Ako'y maliit at hinahamak,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas.
142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran,
at ang kautusan mo'y katotohanan.
143 Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan,
at ang mga utos mo'y aking kasiyahan.
144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman;
bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay.
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”
3 Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.
4 At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.
5 Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,
6 “O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.
7 Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,
8 at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.
9 At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,
10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.
11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’
Pamumuhay ayon sa Espiritu
8 Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.
2 Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[a] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
3 Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,
4 upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
5 Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.
6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
7 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;
8 at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.
9 Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.
10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.
11 Ngunit(A) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[b] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.
27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”
28 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?”
29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo.”
30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?
31 Ang(A) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”
32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.
33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
34 Sinabi nila sa kanila, “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.
36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.
37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.
38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.
40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001