Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 146-147

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
    sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
    kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
    at tinatalian ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
    ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
    hindi masukat ang kanyang unawa.
Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
    kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.

Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
    umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
    naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
    nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
    at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
    ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
    sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.

12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
    Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
    pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
    binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
    mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
    siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
    sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
    kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
    ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
    at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!

Mga Awit 111-113

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(B) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon

113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
    purihin ang pangalan ng Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
    at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.

Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
    na nakaupo sa itaas,
na nagpapakababang tumitingin
    sa kalangitan at sa lupa?
Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
    at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
    mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
    isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 43:8-13

Ang Israel ang Saksi ng Panginoon

Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
    na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
    at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
    at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
    at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
    “at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
    at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
    o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
    at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
    nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
    at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
    walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
    ako'y gumagawa at sinong pipigil?”

1 Pedro 2:2-10

Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan,

kung(A) natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti.

Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at

tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Sapagkat(B) ito ang isinasaad ng kasulatan:

“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
    isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”

Kaya't(C) sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,

“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ay siyang naging puno ng panulok,”

at,(D)

“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
    at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”

Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.

Ngunit(E) kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.

10 Noon(F) ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.

Juan 14:1-7

Si Jesus ang Daan tungo sa Ama

14 “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.

Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?

At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.

Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”[a]

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001