Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 97

Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
    ang maraming pulo ay matuwa nawa!
Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
    ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
Apoy ang nasa unahan niya,
    at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
    nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
    at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
    na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
    lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
    at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
    dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
    ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.

10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
    ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
    kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
    at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
    at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.

Mga Awit 99

99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
    Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
    siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
    Siya'y banal!
Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
    magsisamba kayo sa kanyang paanan!
    Siya'y banal.

Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
    si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
    Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
    kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
    at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.

O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
    ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
    at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
    sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!

Mga Awit 115

Ang Isang Tunay na Diyos

115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
    dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”

Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
    kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
Ang(A) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
    gawa ng mga kamay ng mga tao.
Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
    may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
    gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.

O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
    Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.

12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(B) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
    ang mababa kasama ang dakila.

14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
    siya na gumawa ng langit at lupa!

16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
    ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
    ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
    mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!

Mikas 7:7-15

Ang Panginoon ay Magdadala ng Kaligtasan

Ngunit sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon;
    ako'y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan;
    papakinggan ako ng aking Diyos.
Huwag kang magalak laban sa akin, O aking kaaway;
    kapag ako'y nabuwal, ako'y babangon;
kapag ako'y naupo sa kadiliman,
    ang Panginoon ay magiging aking ilaw.
Aking papasanin ang galit ng Panginoon,
    sapagkat ako'y nagkasala laban sa kanya,
hanggang sa kanyang ipagsanggalang ang aking usapin,
    at lapatan ako ng hatol.
Kanyang ilalabas ako sa liwanag,
    at aking mamasdan ang kanyang pagliligtas.
10 Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway,
    at kahihiyan ang tatakip sa kanya na nagsabi sa akin,
    “Nasaan ang Panginoon mong Diyos?”
Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kanya;
    siya'y yayapakan
    na parang putik sa mga lansangan.

11 Isang araw para sa pagtatayo ng iyong mga kuta!
    Sa araw na iyon ay palalawakin ang iyong hangganan.
12 Sa araw na iyon ay pupunta sila sa iyo
    mula sa Asiria at sa mga lunsod ng Ehipto,
at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog,
    at mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa bundok hanggang sa bundok.
13 Ngunit masisira ang lupa
    dahil sa kanila na naninirahan doon,
    dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.

Ang Pagkahabag ng Panginoon sa Israel

14 Pastulin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod,
    ang kawan na iyong mana,
na mag-isang naninirahan sa gubat
    sa gitna ng mabungang lupain;
pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead,
    gaya ng mga araw noong una.
15 Gaya ng mga araw nang ikaw ay lumabas sa lupain ng Ehipto
    ay pagpapakitaan ko sila ng mga kagila-gilalas na bagay.

Mga Gawa 3:1-10

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]

At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.

Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”

Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”

Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.

Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.

Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.

10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Juan 15:1-11

Si Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas

15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.

Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga.

Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo.

Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin.

Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako'y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog.

Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo.

Sa pamamagitan nito'y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magbunga ng marami, at maging mga alagad ko.

Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal.

10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.

11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001