Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Isang Matanda Na
71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
2 Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
3 Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
4 Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
5 Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
6 Sa simula at mula pa wala akong inasahang
sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Haring Josias(A)
20 Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. 21 Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” 22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. 23 Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. 24 Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. 25 Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26 Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, 27 buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda.
Si Pablo sa Efeso
19 Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang iba't ibang dako ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. May natagpuan siya roon na ilang alagad 2 at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?”
“Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila.
3 “Kung gayon, anong uri ng bautismo ang tinanggap ninyo?” tanong niya.
“Bautismo ni Juan,” tugon nila.
4 Kaya't(A) sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya sa mga Israelita na sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.”
5 Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos. 7 Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo.
8 Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos.
9 Ngunit may ilan sa kanila na nagmatigas at ayaw sumampalataya, at nagsalita pa ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw[a] sa bulwagan ni Tirano. 10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia[b], maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.
by