Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Magandang Kasasapitan ng Jerusalem
60 Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw.
Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2 Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig;
ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh,
at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
3 Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Pagmasdan(A) mo ang iyong kapaligiran,
ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo;
manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki;
ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
5 Magagalak ka kapag nakita sila;
sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama;
sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo,
at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
6 Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa;
buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso,
at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus[a] alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. 3 Tulad ng naisulat ko na sa ilang salita, ipinaalam sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. 4 At(A) habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa lihim na panukalang isinakatuparan ni Cristo. 5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay mga tagapagmana rin tulad ng mga Judio, kabilang din sa iisang katawan, at may bahagi sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
7 Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, 9 at upang maipaunawa sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. 11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob.
Ang Pagdalaw kay Jesus
2 Panahon ng paghahari ni Herodes[a] sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas[b] mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. 2 Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. 4 Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” 5 Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘At(A) Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.’”
7 Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. 8 Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” 9 Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.
12 Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.
by