Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
Binasa ang Kasulatan
11 Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan, 12 nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno. 13 Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan. 15 “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc. 16 Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!” 17 At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?”
18 Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.”
19 At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.”
Sinunog ng Hari ang Kasulatan
20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat. 21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya. 22 Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan. 23 Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan. 24 Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya. 25 Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin. 26 Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh.
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin kayo ginawan ng masama, itinulak na gumawa ng masama, o nilamangan ang sinuman sa inyo. 3 Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at kami'y kasama ninyo sa buhay at kamatayan. 4 Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan.
5 Nang(A) kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa labas at pangamba naman na nasa aming kalooban. 6 Subalit ang Diyos na umaaliw sa naghihinagpis ay nagbigay-aliw sa amin sa pagdating ni Tito. 7 Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang pag-aliw ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak.
8 Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunting panahon dahil sa aking sulat. 9 Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos: naging masikap kayo at masigasig na linisin ang inyong pangalan; nagalit kayo sa mali; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang sala sa mga bagay na iyon.
12 Kaya nga, ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang sa harapan ng Diyos ay makita ninyo na kayo'y nagmamalasakit sa amin.
by