Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
8 Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!
Amen! Amen!
20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
Ibinalik ang Dating Kabuhayan ni Job
10 Ang(A) kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job. 11 Lahat ng kapatid nito, mga kamag-anak at kakilala ay dumalaw sa kanya at nagsalu-salo sila. Bawat isa'y nakiramay sa nangyari sa kanya at nagbigay ng salapi at singsing na ginto.
12 Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno. 13 Nagkaroon pa si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 14 Ang pangalan ng mga babae ay Jemima, Kezia at Keren-hapuc. 15 Ang mga anak na babae ni Job ang pinakamaganda sa buong lupain. Pinamanahan din niya ang mga ito, tulad ng mga anak na lalaki. 16 Si Job ay nabuhay pa nang sandaan at apatnapung taon. Inabutan pa siya ng kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi. 17 Matandang-matanda na siya nang mamatay.
Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(A)
16 “Walang(B) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay. 17 Walang(C) natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.
18 “Kaya't(D) pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(E)
19 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.”
21 Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”
by