Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
Binasa ni Baruc ang Kasulatan
36 Noong(A) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 2 “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan. 3 Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.”
4 Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan. 5 Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo. 6 Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan. 7 Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.” 8 Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan.
9 Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda. 10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias.
Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. 2 Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. 3 Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. 4 Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos.
5 Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. 6 Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.
7 Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? 9 Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.
10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.
by