Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kabutihan ng Diyos
5 Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
6 Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.
7 O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
9 Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.
10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
Ang Taksil na Israel
3 Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin! 2 Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan. 3 Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.
4 “At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata, 5 at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.”
18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya.
20 Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. 22 Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, 23 dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.”
24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”
by