Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
7 Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
9 Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
Ang Kahilingan ng mga Anak ni Zelofehad
27 Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose. 2 Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila, 3 “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki. 4 Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.”
5 Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh, 6 at ganito ang sagot ni Yahweh, 7 “Tama(A) ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak. 8 At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae. 9 Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid. 10 Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo 11 at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”
Ang Ilaw ng Katawan(A)
33 “Walang(B) nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya'y ilagay sa ilalim ng banga].[a] Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 34 Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”
by