Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Nehemias 5:1-13

Pang-aapi sa Mahihirap

Dumating ang panahon na ang mga mamamayan, lalaki man o babae, ay nagreklamo laban sa kanilang kapwa Judio. Sinabi ng ilan, “Malaki ang aming pamilya at kailangan namin ng trigong makakain upang mabuhay.” Sinabi naman ng iba na nakapagsangla sila ng kanilang mga bukirin, ubasan at mga bahay, huwag lamang silang magutom. May nagsasabi namang, “Nakapangutang kami makapagbuwis lamang sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kami'y mga Judio rin at ang mga anak namin ay tulad din ng kanilang mga anak! Ngunit ipinapaalila namin ang aming mga anak. Sa katunayan, ang ilan sa mga anak naming babae ay naipagbili na namin para maging alipin. Wala kaming magawâ sapagkat ang aming mga bukirin at ubasan ay kinamkam na sa amin.”

Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga reklamong ito. Nagpasya(A) akong harapin ang mga pinuno at mga hukom. Pinaratangan ko sila ng ganito: “Ano't nagawa ninyong magpautang nang may tubo sa inyong mga kababayan?”

Kaya't tinipon ko ang mga tao sa isang pangkalahatang pulong. Sinabi ko, “Sinikap nating mapalaya ang ating kapwa-Judio na naipagbili sa ibang bansa. Ngayon nama'y kayo ang nanggigipit sa kanila upang ipagbili ang kanilang sarili sa inyo na mga kapwa nila Judio!” Hindi makapagsalita ang mga pinuno. “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano. 10 Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang. 11 Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.”

12 “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako. 13 Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.”

Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako.

Lucas 2:39-52

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang(A) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo

41 Taun-taon,(B) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(C) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.