Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kabutihan ng Diyos
5 Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
6 Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.
7 O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
9 Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.
10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
Sumamba sa Diyus-diyosan ang Israel
19 Sinabi ni Yahweh,
“Itinuring kitang anak, Israel,
at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat,
sapagkat inakala kong kikilalanin mo akong ama,
at hindi ka na tatalikod sa akin.
20 Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako.
Hindi ka naging tapat sa akin.”
21 May narinig na ingay sa mga kaburulan.
Nananangis ang mga taga-Israel
dahil sa mabigat nilang kasalanan;
at kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, mga anak na taksil,” sabi ni Yahweh,
“pinapatawad ko na kayo sa inyong mga kasalanan.”
Sabihin ninyo: “Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos! 23 Walang naitulong sa amin ang mga diyus-diyosang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang na aming Diyos, ang tunay na kaligtasan ng Israel. 24 Dahil sa aming pagsamba kay Baal, nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga magulang, mula pa noong una—ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan. 25 Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga magulang. Mula sa pagkabata hanggang ngayon, hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos.”
Mga Katanungan tungkol sa Pag-aasawa
7 Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik[a]. 2 Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
6 Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.
by