Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 36:5-10

Ang Kabutihan ng Diyos

Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
    at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
    ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.

O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
    ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
    doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
    ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.

10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
    patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.

Jeremias 4:1-4

Isang Panawagan Upang Magsisi

Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”

Ganito(A) naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”

Lucas 11:14-23

Si Jesus at si Beelzebul(A)

14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit(B) sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”

16 May(C) mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 17 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 18 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.

23 “Ang(D) hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”