Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 106:1-12

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
    ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
    bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
    upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
    sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
    iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
    lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
    sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

Mga Hukom 4:1-16

Sina Debora at Barak

Nang mamatay si Ehud, ang bayang Israel ay muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh. Kaya, hinayaan ni Yahweh na masakop sila ni Jabin, isang Cananeo na hari ng Hazor. Si Sisera na taga-Haroset Hagoyim ang pinuno ng kanyang hukbo. Si Jabin ay may siyamnaraang karwaheng bakal. Pinagmalupitan at inapi niya ang Israel sa loob ng dalawampung taon. Kaya't humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita.

Noon, ang babaing propeta na si Debora, asawa ni Lapidot, ay nagsisilbing hukom ng Israel. Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palmera sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Bethel. Pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin. Isang araw, ipinatawag niya si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kades, mula sa lipi ni Neftali. Sinabi niya rito, “Ipinag-uutos sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na pumili ka ng sampung libong kawal mula sa lipi nina Neftali at Zebulun. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor. Lalabanan ninyo sa may Ilog Kison ang pangkat ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin. Ngunit pagtatagumpayin kita laban sa kanya.”

Sumagot si Barak, “Pupunta ako kung kasama ka. Ngunit kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”

Sinabi ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” Sumama nga si Debora kay Barak. 10 Nanawagan si Barak sa lipi nina Neftali at Zebulun, at sampung libong kalalakihan ang sumunod sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.

11 Samantala, si Heber na isang Cineo ay lumayo sa mga kapwa niya Cineo. Ang mga Cineo ay buhat sa angkan ni Hobab na kamag-anak ng asawa ni Moises. Nagtayo si Heber ng tolda malapit sa kagubatan ng Zaananim, malapit sa Kades.

12 May nakapagsabi kay Sisera na si Barak ay pumunta sa Bundok Tabor. 13 Kaya, tinipon niya ang kanyang siyamnaraang karwaheng bakal at ang lahat ng kanyang kawal mula sa Haroset Hagoyim patungo sa Ilog Kison. 14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Lusob! Ngayon ang araw na itinakda ni Yahweh upang gapiin mo si Sisera. Pangungunahan ka ni Yahweh!” Pumunta nga sa Bundok Tabor si Barak at ang sampung libong kawal niya. 15 Nang sumalakay sina Barak, nilito ni Yahweh sina Sisera. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga kawal nito. Si Sisera naman ay bumabâ sa kanyang karwahe at patakbong tumakas. 16 Hinabol nina Barak ang mga karwahe ni Sisera hanggang sa Haroset Hagoyim at pinatay nila ang lahat ng mga tauhan nito. Wala silang itinirang buháy.

Efeso 6:10-17

Mga Sandatang Kaloob ng Diyos

10 Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 11 Isuot(A) ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.

14 Kaya't(B)(C) maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; 15 isuot(D) ninyo ang sapatos ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. 16 Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. 17 Isuot(E) ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos.