Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 43:1-7

Ililigtas ng Diyos ang Kanyang Bayan

43 Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo,
“Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita.
    Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
    tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;
dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,
    hindi ka matutupok.
Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos,
    ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.
Ibibigay ko ang Egipto,
    Etiopia[a] at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka,
    sapagkat mahalaga ka sa akin;
    mahal kita, kaya't pararangalan kita.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo!
Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran,
    at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain.
    Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan,
hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako;
    mula sa lahat ng panig ng daigdig.
Sila ang aking bayan na aking nilalang,
    upang ako'y bigyan ng karangalan.”

Mga Awit 29

Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos

Awit ni David.

29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
    kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
    sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
    ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
    umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
    at punung-puno ng kadakilaan.

Maging mga punong sedar ng Lebanon,
    sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
    parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.

Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
    inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
    at nakakalbo pati ang mga gubat,
    lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”

10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
    nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
    at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.

Mga Gawa 8:14-17

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.

Lucas 3:15-17

15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Lucas 3:21-22

Binautismuhan si Jesus(A)

21 Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit 22 at(B) bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”