Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
2 Isang araw ng unang buwan, ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes, binigyan ko siya ng kanyang inuming alak. Noon lamang niya ako nakitang malungkot. 2 Tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo'y wala ka namang sakit.” 3 Natakot(A) ako kaya sinabi ko sa hari, “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno ay wasak at ang mga pintuan niyon ay natupok ng apoy.”
4 “Ano ngayon ang nais mo?” tanong ng hari.
Nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan, at pagkatapos, 5 sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno.”
6 Sinabi sa akin ng hari na noo'y katabi ng reyna, “Gaano ka katagal roon at kailan ka babalik?” Nagtakda ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan.
7 Nakiusap ako sa hari na bigyan na rin niya ako ng mga liham para sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Ilog Eufrates upang paraanin ako patungong Juda. 8 Gumawa rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan ng kaharian upang bigyan ako ng mga trosong gagamitin sa pintuan ng muog ng Templo, sa pader ng lunsod at sa bahay na aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.
9 Nang ako'y umalis, pinasamahan pa ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa isang hukbong nakakabayo. Pagdaan ko sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates, iniabot ko sa kanila ang liham ng hari. 10 Nang malaman ni Sanbalat na Horonita at ni Tobias na isang opisyal na Ammonita na may dumating upang itaguyod ang kapakanan ng mga Israelita, sila'y lubos na nagalit.
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.
by