Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Mangingibig:
4 Kay ganda mo, aking mahal,
ang mata mo'y mapupungay!
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
2 Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis,
walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis.
3 Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata,
kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda,
aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula.
4 Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam,
parang tore ni David, na ligid ng mga kawal.
5 Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo,
masayang kumakain sa gitna ng mga liryo.
6 Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway,
hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan,
sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay,
pagkat ito ay simbango ng mira
at ng kamanyang.
7 Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal.
Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.
8 Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka,
lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana,
iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon,
ang taguan niyong mga leopardo at mga leon.
3 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 5 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. 6 Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo 7 kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[a] 9 Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Iglesya
10 Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. 12 Ito(A) ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.” 13 Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? 14 Salamat(B) sa Diyos[b] at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, 15 kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Ako(C) nga rin pala ang nagbautismo sa sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. 17 Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita, at hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
by