Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 33:14-16

14 Sinabi(A) ni Yahweh, “Tiyak na darating ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. 15 At sa panahong iyon, pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katuwiran sa buong lupain. 16 Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’

Mga Awit 25:1-10

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
    sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.

1 Tesalonica 3:9-13

Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][a]

Lucas 21:25-36

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)

25 “Magkakaroon(B) ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa(C) panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(D)

29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang kaharian ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.”

Mag-ingat Kayo

34 “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.