Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Isang Awit ng Kagalakan
14 Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel!
Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem!
15 Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh,
at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel,
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem,
“Huwag kang matakot, Zion;
huwag kang panghinaan ng loob.
17 Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos,
at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Siya ay magagalak sa iyo
at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.
Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan,
18 gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan.
Ililigtas kita sa iyong kapahamakan,
upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan.
19 Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo.
Titipunin ko ang mga itinakwil,
papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan,
at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan.
Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig,
at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.”
Si Yahweh ang nagsabi nito.
2 Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! 5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
7 Kaya't(A) sinabi ni Juan sa maraming taong lumapit sa kanya upang magpabautismo, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa poot na darating? 8 Ipakita(B) ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. 9 Ngayon(C) pa ma'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”
10 Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”
11 Sumagot siya sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.”
12 Dumating(D) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”
13 “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya.
14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?”
“Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong sweldo,” sagot niya.
15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”
18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.