Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Awit ng Pagpupuri sa Diyos
10 Umawit kayo ng isang bagong awit para kay Yahweh,
ang buong daigdig sa kanya ay magpuri!
Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag;
kayong lahat na nilalang sa karagatan!
Umawit kayong lahat na nasa malalayong kapuluan.
11 Kayo ay magdiwang, kayong nasa disyerto, at sa mga bayan,
mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang;
mga taga-Sela, kayo'y mag-awitan,
kayo ay umakyat sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw sa kagalakan.
12 Kayong nasa malalayong lupain,
purihin ninyo si Yahweh at parangalan.
13 Siya ay lalabas, parang mandirigma na handang lumaban,
siya ay sisigaw bilang hudyat ng pagsalakay,
at ang kapangyarihan niya'y ipapakita sa mga kaaway.
Tutulungan ng Diyos ang Kanyang Bayan
14 Sinabi ng Diyos,
“Mahabang panahon na ako'y nanahimik;
ngayo'y dumating na ang oras para ako ay kumilos.
Parang manganganak,
ako ay sisigaw sa tindi ng kirot.
15 Ang mga bundok at burol ay aking gigibain,
malalanta ang mga damo at ang iba pang mga halaman;
ang mga ilog at lawa ay matutuyo,
at magiging disyerto.[a]
16 Aakayin ko ang mga bulag,
sa mga daang hindi nila nakikita.
Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila,
at papatagin ko ang mga daang baku-bako.
Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
17 Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng kumikilala
at nagtitiwala sa mga diyus-diyosan.”
Hindi na Natuto ang Israel
18 Sinabi ni Yahweh,
“Kayong mga bingi, ngayon ay makinig!
At kayong mga bulag naman ay magmasid!
32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(A)
“Kaunting panahon na lamang,
hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
ngunit kung siya'y tatalikod,
hindi ko siya kalulugdan.”
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.