Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(C) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(E) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
20 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 21 “Lumayo kayo sa kanila para malipol ko sila agad.”
22 Ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “O Diyos, ikaw ang nagbibigay-buhay sa lahat ng tao. Lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa kasalanan ng isang tao lamang?”
23 Sumagot si Yahweh kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga taong-bayan na lumayo sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.”
25 Kaya't tumayo si Moises at pinuntahan sina Datan at Abiram; kasunod niya ang matatandang namumuno sa Israel. 26 Sinabi niya sa kapulungan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito. Huwag ninyong hihipuin ang anumang ari-arian nila at baka kayo'y malipol na kasama nila dahil sa mga kasalanan nila.” 27 Lumayo nga sila sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.
Sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pintuan ng kanilang tolda, kasama ang kani-kanilang pamilya. 28 Sinabi ni Moises, “Malalaman ninyo ngayon na isinugo ako ni Yahweh upang gawin ang mga bagay na ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan. 29 Kapag ang mga taong ito'y namatay sa sakit o sa karaniwang paraan, nangangahulugang hindi ako ang isinugo ni Yahweh. 30 Ngunit kapag may ginawang di-pangkaraniwan ang Diyos at bumuka ang lupa at sila'y nilulon nang buháy kasama ang lahat ng may kaugnayan sa kanila, at sila'y nalibing nang buháy sa daigdig ng mga patay, nangangahulugang naghimagsik ang mga taong ito kay Yahweh.”
31 Hindi pa halos natatapos sa pagsasalita si Moises ay bumuka na ang lupa, 32 at nilulon nang buháy sina Korah pati ang kanilang mga pamilya at mga ari-arian. 33 Silang lahat ay nalibing nang buháy. Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita. 34 Dahil dito, nagtakbuhan ang mga taong-bayan dahil sa kanilang nasaksihan. “Lumayo tayo rito!” ang sigawan nila. “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.”
35 Pagkatapos nito'y nagpaulan ng apoy si Yahweh at sinunog ang 250 kasamahan ni Korah na nagsunog ng insenso.
23 Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus. 24 May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. 25 Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
26 ‘Pumunta(A) ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila,
Makikinig kayo nang makikinig ngunit hindi kayo makakaunawa,
at titingin kayo nang titingin ngunit hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito,
tinakpan ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung hindi, makakakita sana ang kanilang mga mata,
makakarinig ang kanilang mga tainga,
at makakaunawa ang kanilang mga pag-iisip.
at magbabalik-loob sila sa akin,
at sila'y aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’”
28 Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” [29 Matapos niyang sabihin ito, ang mga Judio'y umalis at mahigpit na nagtalu-talo.][a]
30 Nanirahan si Pablo sa Roma nang dalawang taon, sa bahay na kanyang inupahan, at tinanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Siya'y buong tapang at malayang nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.