Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
7 “Ang(A) aking banal na lunsod ay parang babaing biglang nanganak;
kahit hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan,
isang lalaki ang kanyang inianak.
8 May nabalitaan na ba kayo o nakitang ganyan?
Isang bansang biglang isinilang?
Ang Zion ay hindi maghihirap nang matagal
upang ang isang bansa ay kanyang isilang.”
9 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ninyong isipin na ang bayan ko'y
hahayaang umabot sa panahong dapat nang iluwal,
at pagkatapos ay pipigilin sa pagsilang.”
10 Makigalak kayo sa Jerusalem, magalak kayo dahil sa kanya;
kayong lahat na nagmamahal sa lunsod na ito!
Kayo'y makigalak at makipagsaya,
lahat kayong tumangis para sa kanya.
11 Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya,
tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.
Ang Pagmamahal ni Jesus para sa Jerusalem(A)
31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”
32 Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.
34 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo!
Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't(B) pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.