Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Error: 'Baruc 5 ' not found for the version: Magandang Balita Biblia
Malakias 3:1-4

Sabi(A) ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”

Ngunit(B) sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.

Lucas 1:68-79

68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
    Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
    mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71     na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
    mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
    at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74     na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
    upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(A) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
    ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79     Tatanglawan(B) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
    at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”

Filipos 1:3-11

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Lucas 3:1-6

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa(B) gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
    Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!
Matatambakan ang bawat libis,
    at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Magiging tuwid ang daang liku-liko,
    at patag ang daang baku-bako.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.