Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
31 Sinasabi(A) (B) ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. 32 Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. 33 Ganito(C) ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. 34 Hindi(D) na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”
10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.
11 Bawat(A) pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit(B) si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis
ng Diyos.
15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,
16 “Ganito(C) ang gagawin kong tipan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”
17 Pagkatapos(D) ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” 18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.