Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
Mga Salita ng Pag-asa
40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
“Aliwin ninyo sila!
2 Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
ang kasalanang ginawa nila sa akin.”
3 Ganito(A) (B) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
4 Tambakan ang mga libis,
patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
5 Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
6 “Magpahayag(C) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
7 Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
8 Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Ang Diyos ay Narito Na
9 Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
“Narito na ang inyong Diyos!”
10 Dumarating(D) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(E) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
at papatnubayan ang mga tupang may supling.
22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(A) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.