Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
18 Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo, at manunumpa sila sa pangalan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Isa sa mga lunsod na ito ay tatawaging Lunsod ng Araw.
19 Si Yahweh ay ipagtatayo sa Egipto ng isang altar at siya'y pararangalan sa pamamagitan ng isang haliging bato sa may hangganan ng lupain. 20 Iyan ang magiging palatandaan na si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kapag sila'y humingi ng tulong sa panahon ng pag-uusig. 21 Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at aalayan ng handog na susunugin. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ang mga iyon ay kanilang tutuparin. 22 Paparusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, ngunit sila nama'y kanyang aaliwin. Manunumbalik sila sa kanya at sila'y kanyang diringgin at pagagalingin.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng isang malawak na daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makakapunta sa Asiria ang mga Egipcio at ang mga taga-Asiria ay makakapunta sa Egipto; sila'y sama-samang sasamba.
24 Sa araw na iyon, ang Israel ay magiging kapanalig ng Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig. 25 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Pagpapalain kita Egipto na aking bayan; ikaw Asiria na aking itinatag, at ikaw Israel na aking pinili.”
2 Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.
Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos
3 Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang[a] kaluwalhatian at kadakilaan. 4 Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.
5 Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; 6 sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; 7 sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. 8 Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. 9 Ngunit kung wala sa inyo ang mga ito, kayo ay parang bulag at hindi nakakakita, at nakalimot na nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan.
10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y malugod na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kaya, kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. 13 Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. 14 Alam kong malapit ko nang iwan ang katawang ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y pumanaw na.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.