Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
8 Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel.
Lilipulin ko sila sa balat ng lupa,
ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob.
9 “Iuutos kong ligligin
ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa;
tulad ng pag-alog sa salaan,
ngunit walang butil na babagsak sa lupa.
10 Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan;
lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’”
Manunumbalik ang Israel
11 “Sa(A) araw na iyon, ibabangon kong muli
ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
Ibabalik ang mga guho;
itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.
13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15 Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.
59 Makalipas(A) ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”
61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.
63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.