Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
7 Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”
8 Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. 9 Panginoong(A) Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. 10 Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”
11 “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. 12 Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” 13 Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(A)
32 “Ngunit(B) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(C) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.